111Lasenggo Partylist
Nung isang araw, nag-iinuman kaming
magpipinsan, naisip namin na lahat na lang ng tao ay may
representante sa Kamara. Mga siklista, mga jaguar (guardiya sa hindi
marunong mag-beki), mga piloto (drayber or tsuper), mga ayaw sa
droga, guro, at kung sino-sino pa man. Pero kaming mga lasenggo, wala
man lamang gustong tumayo at buong-tapang na iproklama sa buong
Pilipinas na Lasenggo ako at ako ang magtataguyod ng karapatan ng mga
lasenggo. Kaya heto at kami-kami na ang nagbalak, nagpulong, at
nagpanukala na bumuo ng partylist na papangalan naming 111Lasenggo.
Bakit kamo may 111 sa unahan? Para
mauna sa listahan ng Partylist at matsekan ng mga tamad tumingin at
pumili nang karapatdapat na partylist. Aminin na natin, kalimitan sa
atin ay hindi maabala na tingnan man lamang kung ano ang
inirerepresinta ng ibat-ibang partylist at kung anu-ano ang kanilang
mga prinsipyo. Case in point, yung partylist ni Mikey Arroyo. Saan
naman kayang alternative universe naging Security Guard itong si
Mikey? Mukha siyang aroganteng bodyguard ng isang bigating politiko,
oo, pero hindi siya mukhang security guard na mahilig magsabi ng
“Dipidi” sa mga estudyanteng gustong lumabas saglit ng campus.
Mukhang di rin nya motto ang “No ID, no entry.”
Sa palagay ko naman ay karapat-dapat
akong maging representante ng mga lasenggo. Marami akong maibibigay
na dahilan. Ang sagot ko sa ilan sa mga panuring
tanong kung ikaw ba ay isang alcoholic ay isang resounding YES.
Ang tingin pati yata sa akin ng aking mga kaibigan ay San Miguel
beer, kasi tuwing makikita nila ako, ang bati sa akin ay hindi hi,
hello, nakakain ka na ba, o saan ka pupunta, kundi, “Inuman tayo!”
Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa,
inilalagak ko na ang aming ipinapanukalang isagawang batas na
karapatan ng mga lasenggo:
- Karapatan ng isang lasenggo ang tumanggi na siya ay lasing na.
- Karapatan ng isang lasenggo na itanggi ang mga ginawa niya nung kasalukuyang siya ay lasing.
- Karapatan ng isang lasenggo ang mag-pass sa tagay.
- Karapatan ng isang tanggero ang malito sa pag-tagay.
- Karapatan ng isang tanggero ang manlito kung siya ay nakatagay na o hindi pa.
- Karapatan ng isang lasenggo ang uminom sa sa harapan ng bahay nila.
- Karapatan ng isang lasenggo ang umabsent sa trabaho kung may bertdeyan sa kapitbahay.
- Karapatan ng isang lasenggo ang pumasok nang nakainom.
- Karapatan ng isang lasenggo ang pumasok ng opisina na may baong nakalalasing na inumin.
- Karapatan ng isang lasenggo ang pumasok sa isang pampublikong gusali ng nakainom, katulad ng Kamara de representante o sa Senado, maliban lang sa Malakanyang, dahil mahilig sila sa tuwid na daan.
- Karapatan ng isang lasenggo ang tumawag ng uwak at itanggi ang mga pangyayari.
- Karapatan ng isang lasenggo ang balewalain ang basic rules of cleanliness, i.e., dumukwang sa pulutan pagkaihi sa tabi-tabi.
- Karapatan ng isang lasenggo ang magdagdag ng letrang “H” sa bawat letrang “S”, i.e., “shaan ba ang tuwid na daan, ha?”
- Karapatan ng isang lasenggo ang kalimutan ang nakaraan.
Ang karapatan ng isang lasenggo ay mas
mahigit pa sa Basic Human Rights. Bakit kanyo? Sa palagay ko ay
naranasan nyo na ang mabulahaw sa madaling araw ng mga kapitbahay na
nag-iinuman at kumakanta ng My Wii. O di ba at nasagasaan na ang
inyong basic human right na matulog nang matiwasay? Kasama na rin
dito ang basic human right to a clean drinking water. Makakatanggi ka
ba sa tagay/chaser kahit ang katabi mo ay dinadalahit na ng matinding
ubo at sa palagay mo ay may sakit nang TB, yung OLED pa? Masabi pang
nuknukan ka nang kaartehan.
Kung kayo ang may mga karagdagang
suhestiyon o bayolenteng reaksyon, tandaan, ito ay isa lamang
panukala. At ibabalik ko ang isa sa mga mungkahing karapatan, ang
karapatan ng isang lasenggo na itanggi ang mga ginawa niya nung
kasalukuyang siya ay lasing, sa kadahilanang lasing kami nung
pag-usapan namin ang pagbubuo ng partylist.
No comments:
Post a Comment