Wednesday, January 16, 2013


111Lasenggo Partylist

Nung isang araw, nag-iinuman kaming magpipinsan, naisip namin na lahat na lang ng tao ay may representante sa Kamara. Mga siklista, mga jaguar (guardiya sa hindi marunong mag-beki), mga piloto (drayber or tsuper), mga ayaw sa droga, guro, at kung sino-sino pa man. Pero kaming mga lasenggo, wala man lamang gustong tumayo at buong-tapang na iproklama sa buong Pilipinas na Lasenggo ako at ako ang magtataguyod ng karapatan ng mga lasenggo. Kaya heto at kami-kami na ang nagbalak, nagpulong, at nagpanukala na bumuo ng partylist na papangalan naming 111Lasenggo.

Bakit kamo may 111 sa unahan? Para mauna sa listahan ng Partylist at matsekan ng mga tamad tumingin at pumili nang karapatdapat na partylist. Aminin na natin, kalimitan sa atin ay hindi maabala na tingnan man lamang kung ano ang inirerepresinta ng ibat-ibang partylist at kung anu-ano ang kanilang mga prinsipyo. Case in point, yung partylist ni Mikey Arroyo. Saan naman kayang alternative universe naging Security Guard itong si Mikey? Mukha siyang aroganteng bodyguard ng isang bigating politiko, oo, pero hindi siya mukhang security guard na mahilig magsabi ng “Dipidi” sa mga estudyanteng gustong lumabas saglit ng campus. Mukhang di rin nya motto ang “No ID, no entry.”

Sa palagay ko naman ay karapat-dapat akong maging representante ng mga lasenggo. Marami akong maibibigay na dahilan. Ang sagot ko sa ilan sa mga panuring tanong kung ikaw ba ay isang alcoholic ay isang resounding YES. Ang tingin pati yata sa akin ng aking mga kaibigan ay San Miguel beer, kasi tuwing makikita nila ako, ang bati sa akin ay hindi hi, hello, nakakain ka na ba, o saan ka pupunta, kundi, “Inuman tayo!”

Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa, inilalagak ko na ang aming ipinapanukalang isagawang batas na karapatan ng mga lasenggo:

  • Karapatan ng isang lasenggo ang tumanggi na siya ay lasing na.
  • Karapatan ng isang lasenggo na itanggi ang mga ginawa niya nung kasalukuyang siya ay lasing.
  • Karapatan ng isang lasenggo ang mag-pass sa tagay.
  • Karapatan ng isang tanggero ang malito sa pag-tagay.
  • Karapatan ng isang tanggero ang manlito kung siya ay nakatagay na o hindi pa.
  • Karapatan ng isang lasenggo ang uminom sa sa harapan ng bahay nila.
  • Karapatan ng isang lasenggo ang umabsent sa trabaho kung may bertdeyan sa kapitbahay.
  • Karapatan ng isang lasenggo ang pumasok nang nakainom.
  • Karapatan ng isang lasenggo ang pumasok ng opisina na may baong nakalalasing na inumin.
  • Karapatan ng isang lasenggo ang pumasok sa isang pampublikong gusali ng nakainom, katulad ng Kamara de representante o sa Senado, maliban lang sa Malakanyang, dahil mahilig sila sa tuwid na daan.
  • Karapatan ng isang lasenggo ang tumawag ng uwak at itanggi ang mga pangyayari.
  • Karapatan ng isang lasenggo ang balewalain ang basic rules of cleanliness, i.e., dumukwang sa pulutan pagkaihi sa tabi-tabi.
  • Karapatan ng isang lasenggo ang magdagdag ng letrang “H” sa bawat letrang “S”, i.e., “shaan ba ang tuwid na daan, ha?”
  • Karapatan ng isang lasenggo ang kalimutan ang nakaraan.

Ang karapatan ng isang lasenggo ay mas mahigit pa sa Basic Human Rights. Bakit kanyo? Sa palagay ko ay naranasan nyo na ang mabulahaw sa madaling araw ng mga kapitbahay na nag-iinuman at kumakanta ng My Wii. O di ba at nasagasaan na ang inyong basic human right na matulog nang matiwasay? Kasama na rin dito ang basic human right to a clean drinking water. Makakatanggi ka ba sa tagay/chaser kahit ang katabi mo ay dinadalahit na ng matinding ubo at sa palagay mo ay may sakit nang TB, yung OLED pa? Masabi pang nuknukan ka nang kaartehan.

Kung kayo ang may mga karagdagang suhestiyon o bayolenteng reaksyon, tandaan, ito ay isa lamang panukala. At ibabalik ko ang isa sa mga mungkahing karapatan, ang karapatan ng isang lasenggo na itanggi ang mga ginawa niya nung kasalukuyang siya ay lasing, sa kadahilanang lasing kami nung pag-usapan namin ang pagbubuo ng partylist.